Iglesia moments ng hindi Iglesia

INC

Isang maalab na pagbati sa lahat ng mga kasapi ng Iglesia ni Cristo. Wow, ‘sandaang taon na kayo.

Lumaki akong ayaw sa Iglesia ni Cristo. Noong bata pa ako—nung grade school—tumatawag ako sa radio upang makipagtalo tungkol sa relihiyon at ipagtanggol ang Katolisismo laban sa Iglesia. “Best in religion” kasi ako lagi noon at champion sa mga bible quiz.

Isa sa mga kapatid ng nanay ko, si Uncle Erning, ay umanib sa Iglesia nang maging nobya niya si Auntie Meding. Tuwing family reunion at magluluto ng tinola si lola, nagtatalo ang mga tito ko kung ano ang gagawin sa dugo ng manok. Ibaon sa lupa, sabi ni ni Uncle Erning, sapagka’t iyon daw ang nakasaad sa banal na kasulatan samantalang ang iba pang mga uncle ko ay gustong ihalo ang malinamnam na dugo sa tinola, dahil ‘yun daw ang nasusulat sa cookbook. Hindi naman seryosong pagtatalo ‘yon, kantyawan lang. Hindi ko na maalala kung sino ang nasunod, pero naaalala ko na laging masarap ang native na tinola, may dugo man o wala, basta’t pinagsasaluhan ng pamilya.

Dati, parang kulto o sindikato ang tingin ko sa Iglesia. Hindi ko sila maunawaan, o baka simpleng ayaw ko lang talaga sa kanila. Ngunit noong fourth year high school ay dumating sa buhay ko si Rona, ang girlfriend kong mabait, matalino, maganda, at Iglesia ni Cristo. Isang mahabang proseso bago niya ako nakumbinsing sumama sa pagsamba. Sinubukan ko pang kumbinsihin siya na upang patas ay makikisamba ako sa Iglesia tuwing Huwebes at sasama naman siya sa’kin sa Simbahang Katoliko tuwing Linggo, ngunit ipaliwanag niyang ‘di talaga puwede.

Maaga kaming pumunta sa kapilya dahil bawal raw ma-late. Hiwalay ang upuan ng mga babae sa lalake at ginabayan ako ng diakonesa patungo sa aking upuan. Hindi puwedeng mamili, hindi tulad sa Katoliko na puwedeng dumiretso sa mga upuang malapit sa electric fan. Napansin ko agad ang kaayusan sa loob ng kapilya. Walang mga batang umiiyak o nagtatakbuhan. Walang nagbebenta ng kandila, at wala ring nag-aalok ng rebulto, popcorn o balloon sa labas. At maayos ang pananamit ng lahat; angkop ang kasuotan sa banal na gawain.

Noong magsimula ang pagsamba, napaka-solemn ng mood; talagang damang-dama ng mga kasapi ang pagkanta at pananalangin, mayroon pa ngang mga lumuluha at umiiyak. Hindi ko man lubos na naunawaan ang lahat, naramdaman ko ang alab ng pananampalataya ng mga miyembro. Hindi kami nagkatuluyan ni Rona ngunit hindi ito dahil sa relihiyon.

Noong nagtapos ako ng high school ay nagkolehiyo ako sa Maynila; doon na rin ako unang nagtrabaho. Nakilala ko si Memeng, isang kaopisina na nang malaon ay naging matalik na kaibigan. Pumasok si Memeng sa Iglesia nang maging nobyo niya si Pinkoy. Di malaon ay nagpakasal sina Memeng at Pinkoy sa Visayas, at ako ang kinuhang best man. Sa loob ng halos isang dekada, noon lang muli ako nakapasok sa kapilya. Noong mag-rehearsal kami para sa kasal, ipinaalala ng ministro ang kahalagahan ng pagpapanatili ng kaayusan. Bilang best man, may mga kinailangan akong gawin. Pinagsikapan kong isagawa ang mga ito nang maayos at eksakto sa inaasahan. Buti na lang successful, kaya nang lumao’y hindi naging successful ang pagsasama nila Memeng at Pinkoy (hiwalay na sila ngayon), alam kong hndi ako ang dahilan.

Sa pagtakbo ng panahon ay dumami pa ang mga kaibigan kong Iglesia, kasama na rito si Michael Esmino, ang matikas na managing editor ng The Ilocos Times, at ang superstar ng radyo sa Ilocos, si Bombo Vicky Adena. Madalas ay hindi mo kaagad malalaman na Iglesia ang isang tao dahil hindi katulad ng ilang Christians, hindi nila ipinagduduldulan sa iyo ang kanilang pananampalataya. Hindi sila ‘yung tipong umagang-umaga pa lang ay sangkaterbang bible verses na ang na-share sa Facebook. Hindi rin nila ugaling mag-post ng “hit ‘Like’ if you love Jesus” na para bang kampon ka ni Satanas kapag di mo i-like or i-share ‘yung mga korning picture or quotation nila.

Halos lahat ng mga kakilala kong Iglesia ay produktibo at marangal na bahagi, hindi lamang ng kanilang relihiyon, ngunit pati na rin ng mas malawak na lipunan. Malaki ang paggalang ko sa kanila.

Kung hindi man sila kumakain ng dugo, o ayaw nila sa mga rebulto, o bawal sa kanila ang pagsali sa mga unyon, o sila’y naniniwalang mga Iglesia lamang ang maliligtas sa huling paghuhukom at ang mga hindi kasapig tulad ko ay ibabato sa dagat-dagatang apoy… labas na ako doon. Karapatan nilang bumuo ng kanilang mga paniniwala at kagawian.

Ang hindi ko lamang maintindihan at matanggap ay ang kanilang block voting kung saan ang pamunuan nila ang nagdidikta kung sino ang iboboto ng mga miyembro. Isa raw kasi itong pagpapakita ng kanilang pagkakaisa na siyang ipinag-uutos ng banal na kasulatan. Medyo ‘di ako kumportable dito dahil ang boto nila ay nakakaapekto rin sa akin. Kung mananalo ang isang kandidato dahil sa block voting nila (lalo na sa mga dikit na dikit na laban) ay maapektuhan rin ako dahil magiging lider ko rin ang nanalong iyon. At bakit hindi hayaan ang mga miyembrong mag-isip at pumili ng para sa sarili? Kung sabagay, wala naman pumipilit sa kanilang maging Iglesia. Sa katunayan ay napakahirap nga raw ang pagdaraanan upang maging ganap na miyembro.

Hindi nga naman talaga krimen ang block voting, ‘di tulad ng mga karahasang ginawa ng Simbahang Katoliko lalo na noong middle ages. Daang libo ang ipinapatay ng simbahan: binitay o sinunog ang mga hindi sumusunod sa mga dogma at doktrina. Samantala, hanggang ngayo’y patuloy na dumarami ang mga kaso ng pangmomolestiyang kinasasangkutan ng mga pari.

Ang pinakamalala lang siguro na puwedeng mangyari sa’yo sa Iglesia ay ang maitiwalag ka. Isa itong napakabigat na parusa dahil nga talagang pinahahalagahan ng mga miyembro ang pagiging kabilang sa Iglesia ni Cristo. Mahal nila ang Iglesia sapagka’t mahal rin sila nito. Hindi katulad sa Katoliko kung saan maraming KBL (kasal, binyag, libing) lamang kung makita sa simbahan, at wala namang pakialam si Father sa kanila.

Bilang isang sociologist, batid ko na kung patuloy na nagtatagal ang isang grupo sa mahabang panahon at patuloy na lumalawig—tulad ng mabilis na pagdami ng mga Iglesia ni Cristo sa mahigit isandaang bansa—malamang ay tama ang ginagawa nito, dahil kung mali ay lipunan mismo ang kikitil dito. Walang duda, napunan nito ang ispirituwal (o kung minsa’y pulitikal) na pangangailangan ng milyun-milyong mga Pilipino.

Nasaksihan natin sa pagdiriwang ng kanilang sentenaryo ang laki, lakas at tibay ng Iglesia ni Cristo—mga katangiang sinisimbolo ng kanilang Philippine Arena. Dalangin nating patuloy silang pagpalain ng Panginoong Diyos—Diyos nating lahat—nang sila’y patuloy na makapag-ambag sa ating pagbangon mula sa isang bansang sadlak sa hirap tungo sa isang bayang tunay na maipagmamalaki nating lahat.

Muli, ang aking pagbati sa mga kapatid. Para sa inyong lahat, itinataas ko ang isang tasa ng mainit–kasing init ng aking pakikiisa–na sabaw ng tinola.

6 Comments

Filed under Church

6 responses to “Iglesia moments ng hindi Iglesia

  1. even if i do not like soup i join you toasting to the iglesia ni cristo.they seem like they are a close knit group.then comes my what ifs…what if nagkatuluyan kayo ni rona will you have been remained catholic and rona followed or vice versa?(just thinking out loud )

  2. Babes

    Iam not against Igesia Ni cristo, because I have a lot of friends who belong to INC I congratulate them for their centennial. I salute them for their close knit relationship with other members and I respect their doctrine. As a Christian in a different denomination, I can say that religion can’t save people but by receiving Christ as your Lord and Savior. ” NOT OF WORKS OF RIGHTEOUSNESS WHICH WE HAVE DONE, BUT ACCORDING TO HIS MERCY HE SAVED US”. (Titus 3:5). God bless Herdy, I like your blog!

    • German n. Labayog

      The only thing s, according to their doctrine, one can never , I mean NEVER be saved if he is not baptized as Iglesa ni Cristo. Mother Theresa of Calcutta dedicated herself for the poor and even built several orphanages In the Philippines. But because she was not a member of Iglesia n Cristo, she would not be savedths is according to their doctrine.

      • Babes

        I don’t want to argue about their doctrine, but it’s not in the Bible that it says” to be a member in that sect can save you”. There’s no perfect Church. There’s a lot of false Prophets in this modern days, ” HE THAT BELIEVETH ON THE SON HATH EVERLASTING LIFE; AND HE THAT BELIEVETH NOT THE SON SHALL NOT SEE LIFE; BUT THE WRATH OF GOD ABIDETH ON HIM”. ( John 3:36)

  3. Joe

    shot! (sabaw ng tinola)

    indeed Iglesia’s really a model religion.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s