Imeemadness

Hindi ako mahilig makinig sa mga talumpati ng mga pulitiko. Karamihan kasi sa mga ito ay nakakabobo, nakakatorta ng utak. ‘Yung iba nga, mukhang maging sila ay hindi naiintindihan ang pinagsasasabi; malamang ay ipinagawa lang nila ang kanilang speech sa pipitsuging ghost writer na nangongopya lang naman mula sa Internet. At madalas, halos kalahati ng speech ay pagbati sa mga ibang opisyal at VIP na dumalo sa okasyon, walang patumanggang paghihimuran ng puw*t.

Subali’t busog na busog ako sa aking pagdalo sa State of the Province Address (SOPA) ni Manang Imee noong nakaraang Miyerkules, June 29, sa Ilocano Heroes Hall. At nabusog ako bago pa man inihain ang meryenda.

Napakahusay ng pagkakasulat ng pinakaunang SOPA dito sa Ilocos Norte, at binigyang buhay ito ng flawless na pagbigkas ng minamahal na punong lalawigan.

Alam niyo naman, mahal na karikna, at ‘di ko itatanggi na lubos ang aking pagmamahal at paggalang sa gobernadora, gaya ng pagmamahal ng isang uugod-ugod na Noranian kay Nora. At hindi niyo ako masisisi kasi batid ko kung paano ipinamamalas ni Manang ang kanyang kasipagan, katapatan, at kagalingan sa paglilingkod. Tatlong K yan, ngunit may ikaapat pa. Basahin ang sumusunod na sipi, ang pinakapaborito ko, mula sa SOPA na tumagal ng apatnapung minuto at pinalakpakan ng dalawamput limang beses ng tinatayang mahigit sa isang libong opisyal ng gobyerno at mga kinatawan ng pribadong sector mula sa buong probinsya.

(Start of quote) “Ilang dekada na ang nakalipas, may isang mag-aaral na sumamang nagprotesta sa embahada ng Amerika. …kinokondena ang pananatili ng mga base militar ng Amerikano sa Pilipinas. Ang problema, ‘yung tatay ng bata ay mataas na opisyal… Bigla, tinawagan yung opisyal ng Pilipinas ng katapat niya sa State Department doon sa US. At nagtaas ng boses ‘yung Kano, ‘Awatin mo yang anak mo, o wag na tayong mag-usap!’ Sumagot ‘yung opisyal, ‘Paumanhin na lang, at pasaway talaga ‘yang anak ko. Kakausapin ko pero malamang hindi rin ako susundan.’

“Pinagalitan ng tatang yung anak, ‘Nagtangken ti ulom nga ubing! Haan ka maisursuro!’ (Antigas ng ulo mong bata ka, hindi ka maturuan) Sagot ng bata, ‘Hindi tama na may dayuhan sa ating lupa, kaya ka naging sundalo at lumaban sa hapon, ‘di ba?’ Nag-isip iyung tatay at matapos ang ilang sandali ay sumagot din, ‘Teka, Imee, baka tama ka, baka makatulong itong kalokohan mo sa negosasyon ng bansa natin.’ Si Apo Presidente Ferdinand Marcos ang tatang ko, at ako yung batang pasaway na yun, natangken ti ulo nga anak ni Apo Lakay, gobernadora ninyo ngayon.

“Ilang buwang nakalipas, binago ang bases agreement at naging mas makatarungan para sa atin, may dala pang tulong sa mahihirap. Kung minsan ayos maging pasaway, at tamang makinig sa batang natangken ti ulona!

“How do we bring back that rebellious Ilocano spirit? … Let us make the Ilocano great again. Pioneers, revolutionaries, today’s artists, scientists, the rule-breakers, the trouble makers and gamechangers, with them we shall rediscover the greatness of the Ilocano. Together let us reinvent Ilocos Norte as the nation’s hub of creativity and innovation. Encourage fearless initiatives and ambitious projects. Let us enable our precursors, our instigators, perhaps some madmen, for they will be the reagents of transformation. And then the North will be the creative hub of the nation, and our province will indeed be great again.” (End of quote)

KABALIWAN. Bilang isang sosyologo, batid ko ang kahalagahan nitong ikaapat na K. Ang lipunan ay umuusad hindi dahil sa mga nagtataguyod ng status quo, bagkus ay bunsod ito ng mga taong walang takot lumangoy laban sa agos. Sasang-ayon dito ang pilosopong si Hegel. Well-behaved men rarely make history. Ang mga pasaway ang tunay na gumagawa ng kasaysayan. Ang mga taong tango lang nang tango, sunod lang nang sunod, at naging kampante na sa mundong kanilang ginagalawan ay nakatakdang mabaon sa limot. Ang kanilang buhay ay tila isang pelikulang ansarap tulugan o parang sermon ng paring nakakaantok.

Mapalad tayo at mayroon tayong gobernadora na kering-keri ang mga bagong ideya, mga inobasyon na maaaring pinagtatawanan at pinagtataasan ng kilay ng ilan ngayon subalit malamang sa hindi ay dadakilain sa ating bukas.

Kung ang kabaliwan mang ipinamalas ay akma, kasaysayan na lang ang huhusga.

Ilocos Norte (IN) is geared up for INnovation, INspiration, and Investments. This we can achieve, indeed, with a healthy dose of INsanity.

*****

Filipiniana ang dress code sa okasyon. May mga nagsuot ng mga magagarang barong, saya, at patadyong, at may mga nakabarong pang-opisina din naman. Ngunit may mangilan-ngilan, hindi lalampas sa sampung bahagdan (10 percent), ang hindi naka-Filpiniana. Mayron pa ngang mga naka-jeans, t-shirt, at rubber shoes lang.

Bagama’t may mga kaibigan ako na nagtatrabaho sa kapitolyo, hindi ako nasabihan tungkol sa dress code. Naka-polo akong pumunta. Sabi ko, “ok na ‘to, lilipas din naman ‘to,” at ayoko nang ma-stress. Ngunit ‘di ako mapakali. Feeling ko kasi e tila hindi ko iginagalang ang okasyon kapag hindi ako sumunod sa dress code, kaya nagpaalam muna ako sa aking katabing si Tony Casimiro, station manager ng Bombo Radyo na poging-pogi sa kanyang barong, upang umuwi at magbihis.

Ang hirap kayang umuwi. Hindi ko dinala ang aking sasakyan dahil tiyak kong mahirap ang parking. At ang hirap ‘ding makahanap ng tricycle. Pawis-pawisan akong naglakad nang pagkalayu-layo upang makasakay. Pinag-antay ko na ang tricycle sa bahay.  Binulabog ko ang aming kasambahay upang hanapin ang paborito kong barong. Nu’ng maiabot sa akin ito e nagbihis na ako sa tricycle habang tumatakbo. Doon na ako nagpalit ng medyas at belt, at nagsuot ng barong at ng panloob. Natatawa ako sa sarili ko noon, naalala ko kasi ang isang episode ng Mister Bean na parang ganun ang eksena. Pagbaba ng tricycle, takbo na ako uli pabalik sa Heroes Hall, akala ko hindi ko na mauumpisahan ang SOPA, ngunit tamang-tama lang. May konting oras pa akong pulbosan ang maningning kong noo.

At eto na si Manang, naglalakad papasok sa hall. Habang tinatahak niya ang red carpet, ang madla ay nabighani. Ang ganda niya, ambata! Perfect ang make-up at hairdo. Suot ang royal blue na gown na gawa ni Amor Albano, isang de kalibreng fashion designer tubong Laoag, nakipagkamay ang Manang sa mga nadaanan niya sa aisle. Bitin nga lang ako sa production value, halimbawa rito e ang kakulangan sa sound effects. Mas bongga sana kung merong “pam-pam-pampampam-pampampampampam,” ‘yun bang tinutugtog ng banda kapag may coronation. Noong matapat siya sa akin, sinabi niyang masaya siya at nakadalo ako. “Pinagbarong kita ha…,” nakangiti siya at halatang natuwa at nakaayos ako.

Sulit ang aking Mr. Bean adventure.

5 Comments

Filed under Government/Politics, Ilocos

5 responses to “Imeemadness

  1. Joanne R.

    Ang GALING maestro karina 🙂 You never fail to amaze me with your articles. Keep it up!

  2. Excursus sa Lupa

    ‘di ko mahulo yung pam-pam-pampampam-pampampampampam, sana may sheet music. . ..enwiz naluko talaga ang Ilukano, kasi nag”papanunot” kaya ilan jan napapanot na., tulad ng tatay ko, uncle, lolo, pero huwag naman ako.

  3. DEL

    I still have a dream that Ilocos I want have. I wish that there will be an Export Processing Zone in our province. It will generate a significant number of jobs for the people.

    As we all know, our place is strategically located since it is near Taiwan, Korea, Japan, and China. The demand of our main export (electronic parts) come from these countries, US not yet included. And we have the logistic framework here, the International seaport in curimao and the International Airport in Laoag. And we have a significant number of competent manpower, which will be supplied by the four big schools in our province, not to include schools from neighboring communities. We can supply manpower, from technical to administrative to Legal services. If officials will think that EPZA would

  4. don

    I am glad to meet you in person Mr. Yumul. Its been a while I havn’t visited RIKNAKEM but when we met at the Dragon Fruit Festival, I promised myself to be a regular visitor AGAIN. God Bless and congrats for finally publishing your book.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s