Ang gurong (di dapat) nagpasalamat

NAKAPUSTORA ako noong umagang ‘yon dahil Graduation Day sa aming pamantasan, at dadalo ako sa baccalaureate service. Sa bus na biyaheng Laoag-Batac, nakaupo ako sa pinakabandang likuran, sa isang mahabang silya kung saan pinagkakasya ang pitong tao.

Hindi pa umaandar ang bus, nag-aantay pa ng pasahero. Isa na lang ang kulang, lalarga na.  Ayos, umakyat sa bus ang isang school administrator. Ayan, puno na.

Habang papunta sa kanyang upuan si Ma’am, tumingin siya sa akin at ngumiti.  Ngumiti din ako at magalang na tumango at nagmutawi ng isang walang tunog na “Ma’am.” Sa may gitnang bahagi ng bus siya nakapuwesto.

Nasa kalagitnaan na ng biyahe papuntang Batac nang mangolekta ng pamasahe (bente pesos) ang konduktor. Nu’ng magbayad si Ma’am, tumingin siya uli sa akin at isinenyas na inilibre niya ako. Anlaki ng ngiti ko.  Nagpasalamat ako sa kanya. (Gumalaw ang  aking mga labi pero walang tunog na lumabas dahil dyahe sa maraming tao.)

Pagkalipas ng ilang sandali, lumingon uli si Ma’am para sabihing inilibre na niya ako. Aba, e mas nilakihan ko pa ang ngiti ko at mas in-exagerrate ko pa ang pagbigkas ng tenkyu. Balik tingin si Ma’am sa harap.

Ngunit tila hindi siya mapakali. Lumingon na naman siya upang ipaalam sa akin na ibinayad na niya ako. Sa pagkakataong ito e sinamahan ko na ng thumbs-up sign (dalawang hinlalaki) ang aking pasasalamat.

Sa ikaapat na beses na lumingon si Ma’am ay plano kong lagyan na ng boses ang aking pasasalamat. Medyo makapal kasi ang eyeglasses ng ale at duda ko e hindi niya ako nakikita nang maayos.

Eto na, lumingon muli si Ma’am at sumenyas. Nakabuka na ang aking bibig at handang-handa nang magsabi ng tenkyung may tunog nang biglang nagsalita ang katabi ko, isang estudyanteng lalake, “Thank you, m’am.” Ngumiti si Ma’am, at halatang nawala ang pagkabalisa sa kanyang mukha.

Aysus!  Hindi naman pala ako ang inilibre. Hiyang-hiya ako noon. Parang gusto kong matunaw na parang kandila o pumutok na parang bula. Tumungo na lang ako noon at nagkunwaring natutulog.  Nakahihiya.

Nang makarating sa paaralan ang bus at magbabaan ang mga tao, siniguro ko munang nakalayo na si Ma’am bago ako bumaba. Awkward moment talaga. Mas malala pa doon sa nangyari sa akin sa isang tricycle mahigit tatlong taon na ang nakalilipas kung saan ay kabaligtaran naman ang kuwento.  May naglibre sa akin na titser pero hindi ko pinasalamatan dahil hindi ko matiyak kung ako ba ang inilibre niya o ‘yung isa pang pasahero.

Ilang linggo kong pilit iniwasang makasalubong si Ma’am. Sakit sa ulo ito dahil dingding lang ang pagitan ng aming mga opisina.

Makalipas ang ilang linggo ay nagretiro na siya, at dumalo ako sa retirement program para sa kanya. Isang matatag na haligi ng aming pamantasan, tunay siyang hinahangaan ng lahat.

Pagkatapos ng programa ay nilapitan ko siya at binati.

“Congratulations, Ma’am,” wika ko, sabay abot sa kanyang kamay.

“Thank you, Herdy,” tugon niya, sabay handshake sa akin nang mahigpit. Todo ngiti siya at nag-uumapaw sa galak.

Hindi ko talaga makalilimutan si, Ma’am. Promise.

Two thumbs up!

7 Comments

Filed under Kuwento

7 responses to “Ang gurong (di dapat) nagpasalamat

  1. tita lita

    two thumbs up herdy…i think this is funny.not na napahiya ka but…..

  2. I just cant imagine myself in that situation…. its some what like.. Uhmm…

  3. ABC

    “Salamat!” Karaniwan, ito ang salitang nakakaligtaan natin na sambitin ‘pag may taong gumawa ng kabutihan sa atin. Ang maganda sa kwentong ito ay ang pagpapahalaga natin sa salitang MARAMING SALAMAT. Buti ka pa nga sir alam mo po magpasamat, ang iba nga po ay wala man lang ni kahit TY man lang.

    Ang sarap kaya ng pakiramdam kapag may taong nagsabi sa’yo ng SALAMAT o THANK YOU. Mararamdaman mo ang pagiging kontento sa sarili na nagawa kahit sa likod nito’y pawis at dugo ang pinuhunan mo.

    Maraming salamat sir Herdy sa kwentong ito. 🙂

  4. Kaasar… Ayokong malagay sa ganung sitwasyon…

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s